ni Andres Bonifacio
"ITONG KATAGALUGAN NA pinamamahalaan ng unang panahon ng ating tunay ng mga kababayan iyaong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito - ang mga Kastila ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbahay at lalung-lalo na ang mga taga Hapon, na sila'y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal. Malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya't dahil dito mayaman ang kaasalan ng lahat, bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na di umano, tayo'y aakayin sa lalung kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila'y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga Tagalog na sinaksihan at pinapagtibay ang kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kanilang mga ugat, at yao'y inihalu't ininom na kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinakayarian. Ito'yisang tinatawag na "Pacto de Sangre" ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawan ng hari sa Espanya.
Ngayon sa lahat ng ito'y ano sa mga ginawa nating paggugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol! Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinapangakong tayo'y gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at sinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo'y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo'y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak at asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib at itinuturing na isang malaking pagkakasala at kara-karakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.
Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagin nang ginagambala ang ating katahimikan na umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, balo't mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo'y malulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak sa panangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tingga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam ngayon lalu't lalo tayong nabibiliran ng tanikala ng pagkaalipin, tanikalang nagkalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silangan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya'y tanaw sa ating mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa ating mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala at nang tayo'y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbubuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati'y inuumang ng kaaway.
Kaya! Oh mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.