Pero nang maglaon, lumabas din ang kaniyang tunay na kulay. Ang gusto niya lagi, lagi mo siyang kasama, kahit mangahulugan pa ito na hindi ka maging katanggap sa ilang lugar. Maaari ngang naipadama niya sa iyo na malaki ka na, pero ang totoo, unti-unti ka niyang pinapatay. At hindi lang iyan. Hinuhuthot pa niya ang suweldo mo.
Kamaikailan, sinubukan mong tumakas sa kaniya, pero ayaw ka niyang pakawalan. Para bang alipin ka na niya. Sising-sisi ka na nakilala mo siya.
Isang lalaking nagngangalang Frank ang nagpasiya ring huminto sa paninigarilyo dahil gusto niyang mapaluguran ang Diyos. Pero mahigit isang araw pa lang siyang humihinto, heto't gumagapang na siya sa ilalim ng kaniyang bahay para maghanap ng mga upos ng sigarilyo na nahulog sa mga siwang ng sahig. "Noon ako natauhan," ang sabi ni Frank. "Isipin mo, nagkakalkal ako ng dumi para lang maghanap ng mga upos. Nakakadiri talaga. Mula noon, hindi na ako nanigarilyo."
Bakit kaya napakahirap huminto sa paninigarilyo? Natuklasan ng mga mananaliksik ang ilang dahilan: (1) Tulad ng ipinagbabawal na gamot, ang mga produktong may tabako ay nakakaadik. (2) Ang nalalanghap na nikotina ay nakakarating sa utak sa loob lang ng pitong segundo. (3) Ang paninigarilyo ay kadalasan nang nagiging bahagi ng buhay ng isang tao-lagi itong kasama sa kainan, inuman, kuwentuhan, at iba pa; ginagawa pa nga itong pantanggal ng stress.
Pero gaya ng naging karanansan nina Earline at Frank, posibleng ihinto ang bisyong ito.
Ang masidhing determinasyon na huminto sa paninigarilyo ang pinakamahalagang bagay na taglay ng mga matagumpay na nakahinto sa paninigarilyo." - Stop Smoking Now!
Pasidhiin ang iyong Determinasyon
Kung gusto mong huminto sa paninigarilyo, dapat mong pasidhiin ang iyong determinasyon na gawin ito. Paano? Isipin ang mga kapakinabangan kapag huminto ka sa paninigarilyo.
Makakatipid ka. Ang isang kaha bawat araw ay magkakahalaga ng libu-libong piso bawat taon. "Hindi ko akalaing malaki pala ang nagagastos ko sa tabako." -Gyanu, Nepal
Tiyak na mas masisiyahan ka sa buhay. "Naenjoy ko lang ang buhay nang huminto ako sa paninigarilyo, at habang tumatagal, lalong gumaganda ang buhay ko." - Regina, Timog Aprika. Kapag humihinto sa paninigarilyo ang mga tao, bumubuti ang panlasa at pang-amoy nila, at karaniwan nang mas masigla at mas maganda ang hitsura.
Bubuti ang kalusugan mo. "Ang paghinto sa paninigarilyo ay may malaki at kagyat na mga pakinabang sa kalusugan para sa mga lalaki at babae, anuman ang edad." - U.S. Centers for Disease Control and Prevention.
Madaragdagan ang kumpiyansa mo sa sarili. "Huminto ako sa paninigarilyo dahil ayokong maging alipin ng tabako. Gusto kong ako ang may kontrol sa katawan ko." - Henning, Denmark.
Makikinabang ang iyong pamilya at mga kaibigan. "Pinipinsala ng paninigarilyo.....ang kalusugan ng mga nasa paligid mo....Ipinakikita ng mga pag-aaral na libu-libong tao....ang namamatay sa kanser at sakit sa puso taun-taon dahil sa nalalanghap nilang usok ng sigarilyo." - American Cancer Society.
Matutuwa sa iyo ang iyong Maylalang. "Nang malaman kong hindi sang-ayon ang Diyos sa mga bagay na nagpaparumi sa katawan, huminto ako sa paninigarilyo." - Sylvia, Espanya.
Dapat ka bang gumamit ng Gamot?
Bilyun-bilyonng dolyar ang kinikita ng mga gumagawa ng gamot, gaya ng nicotine patch, na tumutulong sa mga naninigarilyo na huminto. Pero bago ka magpasiyang gumamit ng gamot, tingnan ang mga sumusunod ng mga tanong:
Ano ang mga pakinabang? Maraming terapi ang sinasabing makakatulong nang malaki sa paghinto sa paninigarilyo dahil binabawasan nito ang mga withdrawal symptom. Pero hindi pa rin tiyak kung magiging pang matagalan ang bisa ng mga ito.
Ano ang mga panganib? Ang ilang gamot ay maaaring may mga side effect gaya ng pagduduwal, depresyon, at pag-iisip na magpatiwakal. Tandaan din na ang mga nicotine-replacement therapy ay nagbibigay rin nga nikotina-sa ibang anyo nga lang-kaya naroon pa rin ang mga panganib sa kalusugan. Ang totoo, ang mga gumagamit nito ay naaadik pa rin.
Ano ang mga alternatibo? Sa isang surbey, 88 porsyento ng mga nakahinto agad sa paninigarilyo ang nagsabing nagtagumpay sila nang hindi gumamit ng gamot.
Pagtulong sa isa na huminto sa paninigarilyo
- Maging positibo. Mas epektibo ang papuri kaysa sa sermon. Mas mabuting sabihin, "Kaya mo iyan. Huwag kang susuko" kaysa "Bigo ka naman!"
- Maging mapagpasensiya. Sikaping huwag pumatol kapag nagagalit sa iyo o nadidismaya ang isang gustong huminto sa paninigarilyo. Maging mabait sa iyong pananalita. Puwede mong sabihin, "Alam kong mahirap iyan, pero hanga ako sa iyo." Huwag na huwag sasabihin, "Mas mabuti pang manigarilyo ka na lang ulit."
- Maging tunay na kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: "Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan."
Puwede kang Magtagumpay!
Magtakday ng Petsa. Inirekomenda ng U.S. Department of Health and Human Services na kapag desidido ka nang huminto sa paninigarilyo, dapat na hindi lalampas sa dalawang linggo ang itatakda mong petsa ng paghinto. Sa gayo'y hindi hihina ang determinasyon mo.
Gumawa ng nota sa maliit na papel. Puwedeng isulat dito ang mga sumusunod na mga impormasyon, pati na ang iba pang bagay na magpapasidhi sa iyong determinsayon:
- Mga dahilan kung bakit ka hihinto
- Numero ng telepono ng mga taong tatawagan mo kapag natutukso kang manigarilyo.
- Mga simulain - kasama na ang mga teksto sa Bibliya na tutulong sa iyo na maabot ang tunguhin mo.
Maghanda. Habang papalapit ang petsa ng paghinto mo, maghanda ng mga pamalit sa sigarilyo: karot, gum, mani, at iba pa.