MAGLARO KA ni Ildefonso Santos Image Source: http://life-in-a-jiffy.blogspot.com/2011/04/lifes-prelude.html | I Maglaro ka nang maglaro, sintang anak, maggulong ka, magtatakbo, humalakhak; kumanta ka, magsayaw ka't maglulundag, kumain ka at matulog at umiyak... II Manghuli ka ng gagamba't pagbabagin, mamulot ka ng kaligay at siklutin; mamupol ka ng sampaga saka hasmin, samyuin mo't pagkasamyo, lamurayin! |
At haba kang naglalaro'y matatalos
na ang buhay ay laruang tumutunog;
mataginting pag ang puso'y nalulugod,
paos naman pag ang puso'y tigib-lungkot!
IV
Unti-unting matatanim sa gunita
ang lahat mong daranasing pagkadapa;
dahan-dahang manunuynoy na ang tuwa
ay di dapat na waldasin pagkat mutya.
V
Kay-palad ng mga batang katulad mo
na hindi pa nababatid itong mundo;
buhay-batang minsan na ring natikman ko,
subalit ay! Kisapmatang naging aso...
VI
Kaya't hala, maglaro ka at tandaan
ang lahat mong pagkabigo at tagumpay...
O, hayan na ang pighati, dumaratal,
harinawang maligtas ka, bunsong mahal!