
-shadow-people-6
Isang panibagong umaga na naman ang aking kahaharapin. Ngunit ang mga bagay na akin na namang masisilayan ay tila hindi na bago sa paningin. Sa labing-pitong taon kong paninirahan dito sa Payatas, wari bang hindi pa naiisipan ng pamahalaang isemento at ayusin man lamang ang makitid naming ditong daanan. Sa tuwing umuulan kasi, saksi na ako sa mabaho at nangingitim na putik na para bang nagbabalak lamunin ang aming tahanan. Sa patuloy kong paglalakad, tila’y nagpadagdag sa kaguluhan ang mga sala-salabit na kawad na para bang nagpapahiwatig na sa anumang oras ay may nakaambang panganib. Panganib na isa-isang matutupok ang barung-barong ng isang sunog. Laganap kasi sa aming lugar ang nakawan ng kuryente. Sa sobrang pagnanais na makatipid, kahit ang mga inosente ay nadadamay. Pagbaling ko sa kaliwa, nasulyapan ko ang mga pader na mistulang naging labasan ng sama ng loob ng mga taong hinahatak na ng kumunoy ng kahirapan. Naroon din ang grupo ng kabataan na sa halip na ballpen at papel ang hawak ay, mas pinili pa ang yosi, supot ng rugby at marijuana na halos magdala sa kanila sa mundo ng kawalan. Sa dakong kanan, nasumpungan ko si itay na bakas ang kalasingan at tila wala ka nang maiguguhit na magandang kinabukasan. Sa pagtuloy-tuloy ko mula sa aking kinaroroonan, nadaanan ko ang mga batang labis ang pagkapayat, habang rinig na rinig ang kanilang sikmurang patuloy sa pakikipaghulyawan na tila nais na kumawala at takasan ang naghihirap na realidad.
Palibhasa’y labing-dalawang magkakapatid, tanggap na namin ang katotohanang hindi kami makakapagtapos ng pag-aaral at natutunan na rin ng ilan kong kapatid na limutin ang kani-kanilang pangarap. Ngunit, iba kami ng kuya ko. Sa kabila kasi ng dami ng pagsubok na dumarating sa aming pamilya ay nananatili paring buo ang aming pag-aasam na maabot namin ito at tuluyang maiangat ang aming pamilya sa bangungot ng kahirapan. Simula pa ng bata pa kami, pangarap na ni kuyang maging isang alagad ng agham na makakatuklas ng gamot sa HIV. Nang mga panahong iyon kasi ay matunog ang dalang pinsala ng virus na ito na halos kumitil na ng milyun-milyong buhay ng mga biktima. Buo at determinado naman ang aking puso at pag-iisip na maging isang mapagkakatiwalaang guro na magtutuldok sa kamangmangan. Nais ko kasing makapagtaguyod ng isang paaralan na siyang magsisilbing gabay sa mga kabataang kapos din tulad namin. Ngunit tila pinanghihinaan na ako ng loob sa tuwing madarama kong walang puwang ang aking mga mithiin sa mundo.
Sa labis na kahirapan, masaya na ang pamilya tuwing maghahain ang inay ng pancit sa hapag-kainan mula sa karinderya ni Aling Luring. Maghapon ang trabaho ni inay sa lansangan bilang isang street sweeper. Samantalang ang itay naman ay walang ibang ginawa kundi maglasing at masangkot sa riot. Sakit nga sa ulo kung ituring si itay. Ngunit para kay inay, mas madaming bagay ang mas kapaki-pakinabang isipin at problemahin tulad na lamang ng mga pangunahing pangangailangan namin sa araw-araw. Kailangan din mag doble kayod ni inay lalo pa’t ilang araw naring patuloy sa pag-iyak si bunso dahil walang mainom na gatas.
Likas na ang kaguluhan sa aming lugar. Kaya kung minsan, mas pinipili na lang namin na magkibit-balikat dahil alam naming ‘yun at ‘yun na lang ang aming maririnig. Kung hindi may nagsasaksakan, may naganap na nakawan; kung hindi may riot, may natagpuang patay. Sobrang nakakainis! Nakakarindi! at nakakawala na ng pag-asa!
Ngunit may isang usaping nakatawag sa amin ng pansin. Sa kalaliman ng gabi, habang ang tao’y nasa kasarapan ng tulog, isang tunog ang bumulabog sa amin. Kasabay ng pagbulabog na ito’y isang balita. Agad kaming tumakbo at pinilit namin sa aming sarili na isa lamang itong bangungot. Nagulat kami. Natulala. Nanghina hanggang sa para bang sisisihin ang Panginoon. Nakita namin kung gaano bumulagta ang isang babae sa aming harap. Isang babaeng wala ng malay. Isang babaeng hindi na kumikibot at tila nilagutan na ng hininga. Labis-labis na ang aming pinagdaanan. Kung bakit pati si inay, na nagpapalakas ng aming loob at nagpapatibay sa aming mga pangarap ay nagawa na rin Niyang kuhain.
Ilang buwan na rin ang lumipas pero parang hindi pa rin namin tanggap ang nangyari. Wala na si inay na handang gawin ang lahat para makapag-uwi ng pancit. Naging pabaya na si itay at laging nagpapakalunod sa alak. Lalo nang dumadalas ang pangbubugbog niya sa amin. Pati ang mentally retarded kong kapatid ay walang awa niyang pinagbuhatan ng kamay. Hindi namin inaakala na ang pang-aabusong iyon ay hahantong pa sa mas matinding sitwasyon.
Bigla na lamang nanahimik ang aming baklang kapatid na dati’y nagpapasaya at pumapawi sa aming kalungkutan. Kinausap ko siya at napagtanto ang kanyang nililihim na pangmomolestiya ni itay. Nagsumilakbo ang aking puso sa galit. Naramdaman kong nais ko nang kumawala sa tanikalang pumipigil sa aming sumaya at madama ang tunay na kaligayahan.
Hindi ako nagdalawang isip na isumbong ang kahalayan niya sa aming nakatatandang kuya. Ngunit halos madurog ang aking puso nang masilayan ko ang panganay naming kapatid na siya pang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
Gusto kong sumigaw. Tumakbo. Gusto kong magpumilit takasan at labanan ang kadiliman. Ngunit wari bang may humahatak sa akin at hinihila ako pababa. Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.
Pinili kong maging matatag at makahanap ng sandata sa gitna ng pagsubok. Ngunit hindi ko magawa. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nagbibigay aliw sa harap ng mga kalalakihang tuwang-tuwa, nagpapalakpakan, nagkakantiyawan na tila ba sabik na sabik sa hubo’t hubad kong pagkatao.
Hindi ko namamalayang unti-unti nang nilalamon ang aking dignidad, moralidad, at integridad sa mga sandaling ang tanging nasa isip ko lamang ay ang mabuhay ang aking pamilya. Akala ko’y ito na ang magtataguyod sa gutom na sikmura ng aking mga kapatid. Ngunit, sa maikling panahong iyon ay naramdaman kong nawalan na ako ng puri at dangal.
Napagtanto ko ang aking sariling nakikipagtalik sa kung sinu-sinong kalalakihan kapalit ng 1000 piso na kung tutuusi’y napakaliit na halaga para sa napakabata ko pang pangangatawan. Ramdam ko kung paano ako hubaran sa mga gabing wala akong ibang inintindi kundi ang aking mga kapatid na patuloy na nagugutom at umaasang may dala akong pagkain sa aking pag-uwi.
Ilang linggo ang nagdaan at naging kapansin-pansin na ang ilang pagbabago sa aking sarili na ikinatakot ko naman agad. Agad akong naghanap ng mauutangan upang sa sandaling iyon ay matugunan ko naman ang pansariling pangangailangan.
Huli na nang malaman kong ako’y nagdadalang-tao. Labis kong ikinagulat nang mag-positibo ako sa Human Immuno Virus o HIV. Nangamba ako ng sobra at hindi na namalayan ang patuloy na pagtulo ng mga luha sa aking namumugtong mga mata. Luha hindi dahil sa takot akong magkaroon ng anak sa murang edad kundi, takot na mapahamak at malagay sa peligro ang batang aking dinadala.
Dahil na rin sa kahinaan ng aking pangangatawan at mga problemang nagpadagdag sa mga bagay na aking iniisip, bumigay ang kanyang pangangatawan at di kalauna’y namatay. Marahil ang aking anak ay sumuko na sa paglaban at tuluyan nang nagpaalam at hindi man lang binigyan ng pagkakataong masilayan ang obra maestra ng Lumikha.
Labis ang aking panlulumo at nararamdaman kong gusto ko nang sumuko. Para bang napakasama ko nang tao at napakamakasalanan ko na. Binalak kong magpakamatay upang tuldukan na ang pananatili ko sa mundong ito na wala nang ginawa sa akin kundi paglaruan. Nakakalungkot man isipin ngunit ito ang realidad. Realidad na ang tao ay mahina at madaling mawalan ng pag-asa. Nang mga oras na iyon, tila wala ng ibang laman ang aking pag-iisip. Ang tanging alam ko lamang ay tinatawag na ako ng Kamatayan.
Maya-maya’y may liwanag na sumalubong sa akin na tila nagsasabing may bagong pag-asa na naghihintay at dali-dali itong yumakap sa akin na para bang nais akong patnubayan at muling ibalik sa kandungan ng Panginoon. Doon ay nasilayan ko ang tamang landas na aakay sa akin patungo sa tunay na kaligayahan at pag-ibig.
Ilang araw ang lumipas ay nakaramdam na naman ako ng kakaiba. Mula sa aming tahanan ay para bang nagsisimula ng magsumiklabok ang aking puso. Nais kong sumigaw. Magwala, at tuluyan ng hindi maniwala sa katotohanan. Hindi dahil sa pinanghihinaan na naman ako ng loob kundi dahil nararamdaman kong inaalalayan ako ng Diyos. Matapos kong magbalik loob sa Amang Lumikha at magtiwala sa kaniyang magandang loob at kakayahan ay wari bang naging kakaiba na ang lahat. Naramdaman kong isa-isa ng nagsisidatingan ang tulong ng iba’t ibang organisasyon at samahan na patuloy ang pagpapadama sa akin ng tulad kong isang ordinaryo lamang na mamamayan ay may kahalagahan at mayroong pinagyamang karapatan na sa kabila ng kadukhaan ay maari akong tamasahin.
Tila unti-unti kong nalilimot ang aking problema sa tuwing makakasama ko ang ilan ding mga kababaihan na nakaranas ng hirap ng dagok ng buhay ngunit muling bumangon, nagpatatag at di na hinyaang tapakan muli ang kanilang pagkatao.
Nararamdaman ko na para bang unti-unti nang umaangat at bumabangon ang aking pamilya sa tulong ng busilak at puting kalooban. Tinulungan ako ng Gabriella na pangalagaan ang aking sarili ang natatanging kakayahan. Naging kapansin-pansin din ang paglusog ng aking mga kapatid na dati’y maari mo ng mapagkamalang kalansay sa sobrang kapayatan sa tulong ng aming barangay health center. Ilang pribadong organisasyon din ang dumalaw sa aming tahanan upang maglaan ng panahon at pansin sa lumalalang kalagayan ng Mentally retarded kong kapatid. Nagsilbing gabay naman ang Department of Social Welfare and Development sa pagtahak na aking kuya sa mas maliwanag na landas at tuluyan ng takasan na at iwasan ang pinagbabawal na gamot.
Sana nga’y buhay pa si Inay nang makita niya kung paano magbago ang pamilya. Kung paano kami tulungan ng tao, maging responsableng mamamayan at higit sa lahat, kung paano kami muling humarap sa Panginoon, magsisi at manalig.
Tulad sa isang pelikula, ang bida ay karaniwang inaalipusta, inaapi at kung minsan ay nawawalan ng pag-asa. Ako. Ako ang bida sa pelikulang ito. Inalipusta, inapi at nawalan ng pag-asa. Ngunit narito. Muling bumangon, at nagtagumpay laban sa mga panggulo ng istorya. Mga panggulong sinubok ako hanggang sa ako’y manghina at sumuko sa laban ng buhay marahil nga’y magulo ang mundo ng pelikula. Ngunit kung matututo tayong bumangon sa pagkadapa at maniwala sa Amang Lumikha, walang pangamba, siguradong walang suliraning nakaamba.