Laganap ngayon sa daigdig ang pornograpya. Makikita ito sa mga advertisement, kausuhan, pelikula, musika, at mga magasin, pati na sa telebisyon, mga video game, cellphone o iba pang gadyet, website, at mga photo-sharing service sa Internet. Ang pornograpya ay karaniwan nang tinatanggap sa modernong lipunan. Ngayon higit kailanman, mas maraming tao sa mas maraming lugar ang gumugugol ng higit na panahon sa pornograpya. | Image Source: http://expatriato.blogspot.com/2008_08_01_archive.html |
Ano ang tingin mo sa kalakarang ito? Ang pornograpya ba ay di-nakapipinsalang libangan o nakamamatay na lason? Ano ang bunga ng pornograpya? Ang terminong "pornograpya" ay tumutukoy sa malalaswang materyal na dinisenyo upang pukawin ang damdamin ng mga nakakakita, nagbabasa o nakikinig nito. Kasama rito ang mga larawan pati na anumang materyal na mababasa o mapapakinggan.
Paano nakaaapekto ang pornograpya sa mga indibiduwal?
Ang sinasabi ng mga eksperto: Ang pornograpya ay lubhang nakasusugapa na gaya ng crack cocaine, ayon sa ilang mananaliksik at terapist.
Si Brian, na nahumaling sa pornograpya sa Internet, ay nagsabi: "Walang makapigil sa akin. Para akong wala sa sarili. Nanginginig ako at sumasakit ang ulo ko. Sinikap kong huminto, pero pagkalipas ng mga taon, sugapa pa rin ako."
Karaniwan nang itinatago ng mga nahuhumaling sa pornograpya ang kanilang bisyo. Malihim sila at mapanlinlang. Hindi kataka-taka, marami sa kanila ang nakadarama ng kahihiyan, pagkabalisa, depresyon, at galit. Pakiramdam nila'y nag-iisa sila. Ang ilan pa nga sa kanila ay nag-iisip magpakamatay. "Puro sarili ko na lang ang iniisip ko at naging desperado ako," ang sabi ni Serge, na nagda-download ng pornograpya sa kaniyang cellphone halos araw-araw. " Parang wala akong halaga, nakokonsensiya ako, at pakiramdam ko, nag-iisa ako at walang magawa. Hindi ako makahingi ng tulong dahil sa sobrang hiya at takot."
Kahit pagsulyap lang sa pornograpya ay maaaring magbunga ng masamang resulta. Si Dr. Judith Reisman, isang kilalang mananaliksik tungkol sa pornograpya, ay nagsabi sa harap ng isang komite sa Senado sa Estados Unidos: "Ang mga pornograpikong larawan ay tumatatak at bumabago sa utak. Pinagmumulan ito ng bigla, di-makontrol, pero nagtatagal na alaala na mahirap o imposibleng burahin." Si Susan, 19 anyos, na nahantad sa pornograpikong mga Website, ay nagsabi: "Nakaukit sa aking isip ang mga larawan. Bigla na lang pumapasok ang mga ito sa isip ko. Parang hindi ko na kailanman mabubura ang mga iyon."
Mahalagang tandaan: Inaalipin at pinipinsala ng pornograpya ang mga biktima nito.
Paano nakaapekto ang pornograpya sa mga pamilya?
Ang sinasabi ng mga eksperto: "Sinisira ng pornograpya ang relasyon ng mga mag-asawa at pamilya." - The Porn Trap, nina Wendy at Larry Maltz.
Nakapipinsala ang pornograpya sa relasyon ng mag-asawa at pamilya dahil:
- Pinahihina nito ang tiwala, ugnayan, at pag-ibig ng mag-asawa sa isa't-isa.
- Itinataguyod nito ang kasakiman, kawalang-malasakit at kawalang-kasiyahan sa asawa.
- Pinupukaw nito ang malalaswang seksuwal na pantasya at pagnanasa.
- Tinutukso nito ang mga nanonood na ipilit sa kanilang asawa ang malalaswang seksuwal na gawain.
- Itinataguyod nito ang pagtataksil.
Mahalagang tandaan: Nilalason ng pornograpya ang magagandang ugnayan at nagdudulot ito ng sama ng loob at kirot.
Ang totoo tungkol sa pornograpya
- Bawat segundo: Halos 30,000 tao ang tumitingin sa pornograpikong mga Website.
- Bawat minuto: Ang mga gumagamit ng Internet ay nagpapadala ng mahigit 1.7 Milyon na pornograpikong email.
- Bawat oras: Halos dalawang video ng detalyadong paglalarawan sa pornograpya ang inilalabas sa Estados Unidos.
- Bawat araw: Sa Estados Unidos pa lang, may average na dalawang milyon sa pornograpikong pelikula ang nirerentahan.
- Bawat buwan: Halos 9 sa bawat 10 kabataang lalaki at 3 sa bawat 10 kabataang babae sa Estados Unidos ang nanonood ng pornograpya.
- Bawat taon: Kumikita ng tinatayang $100 Bilyon (U.S.) ang industriya ng pornograpya sa buong daigdig.
Ano ang pangmalas ng Diyos tungkol sa pornograpya?
- Alam niyang makasisira ng buhay ang pornograpya.
- Mahal niya tayo at gusto niyang ingatan tayo mula sa pinsala.
- Gustong ingatan ng Diyos ang ugnayan ng mga mag-asawa at pamilya.
- Gusto niyang maging malinis tayo sa moral at igalang natin ang karapatan ng iba.
- Gusto niyang igalang natin ang ating kakayahang mag-anak at gamitin ito sa marangal na paraan.
- Alam ng Diyos na masasalamin sa pornograpya ang pilipit, makasarili, at satanikong pangmalas sa sekso.
Mahalagang tandaan: Sinisira ng pornograpya ang pakikipagkaibigan ng isa sa Diyos.
Kung paano makalalaya sa pornograpya
- Manalangin sa Diyos.
- Humingi ng tulong sa iba.
- Alamin at iwasan ang mga posibleng pumukaw ng pagnanasa.
- Patibayin ang kaugnayan sa Diyos.